Hihingi ng opisyal na kopya ng tinaguriang “Cabral files” ang House Infrastructure Committee (InfraComm) mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.
Ayon kay InfraComm co-chair at Bicol-Saro Partylist Rep. Terry Ridon, pormal nilang irerequest ang mga dokumento sa susunod na linggo, sa paniniwalang may sarili pang kopya ang DPWH kahit na naipasa na ang mga ito sa Office of the Ombudsman noong Disyembre 23, 2025.
Nilinaw ng mambabatas na ang hakbang ay hindi para pabulaanan ang mga dokumentong inilabas ni Batangas Rep. Leandro Leviste, kundi upang magkaroon ng opisyal at kumpletong rekord ang komite, lalo na’t suspendido ang pagdinig ng InfraComm habang umiiral ang Independent Commission on Infrastructure (ICI).
Aniya, sakaling mabuwag ang ICI, maaaring buhayin muli ng tri-committee ang imbestigasyon.
Samantala, iginiit ni Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo Ordanes ang kahalagahan ng pagkakaroon ng authentic na kopya ng mga dokumento upang hindi ito magamit sa paninira sa sinumang mambabatas, at itinanggi rin ang alegasyon na kabilang ang kanyang partylist sa mga nakatanggap ng malaking DPWH budget insertions.
Kaugnay nito, hinihintay ng Kamara kung magsasampa ng ethics complaint ang DPWH laban kay Rep. Leviste, matapos ang ulat na umano’y iligal nitong kinuha at kinopya ang mga dokumento ng yumaong dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral.














