Nakatakdang magsampa ng mga reklamo ang Department of Agriculture (DA) at Deprtment of Public Works and Highways (DPWH) kasunod ng mga nadiskubreng kwestyonableng mga proyekto.
Sa panig ng DA, magsasampa sila ng reklamong kriminal kasunod ng pagkakadiskubre ng ilang kwestyonableng farm-to-market road projects. Ito ay kasunod ng isinagawang audit sa halos isang libong farm-to-market road projects sa buong bansa.
Gayundin patuloy pa ang isinasagawang validation ng ahensiya sa mga proyekto kada araw.
Sa DPWH naman, sinabi ni Sec. Vince Dizon na papanagutin nila ang mga nasa likod ng nasabing mga proyekto at tiyak na magsasampa rin ng mga reklamo kasama ang DA sa Office of the Ombudsman.
Inihayag naman ni Sec. Laurel na dapat susuriin ng DA officials ang mga farm-to-market road projects sa oras na naipatayo na ng DPWH subalit hindi aniya ito nangyari.
Samantala, sinabi ni Sec. Laurel na simula sa susunod na taon ay ang DA na ang magiging lead implementing agency ng farm-to-market roads. Matatandaan na ang DA ang orihinal na namamahala sa naturang mga proyekto hanggang sa inilipat ito sa DPWH noong Aquino administration.















