Humarap sa DOJ ang kontratistang si Pacifico “Curlee” Discaya II, isa sa mga tinututukan sa anomalya sa flood control projects.
Ito ay dumating sa Department of Justice ngayong araw upang pormal na humiling ng proteksyon bilang state witness sa ilalim ng Witness Protection Program ng gobyerno.
Dinala si Discaya sakay ng van ng Senate Sergeant-at-Arms, na sinamahan ng kanyang abogado na si Atty. Cornelio Samaniego.
Layunin nilang isumite ang aplikasyon para sa government protection na magsisiguro sa kaligtasan ng testigo at sa integridad ng kanyang testimonya sa patuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Na-cite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee si Discaya kahapon matapos umano siyang magbigay ng hindi tamang pahayag tungkol sa kawalan ng presensya ng kanyang asawa sa pagdinig.
Ayon sa komite, kailangang tapat at kumpleto ang mga deklarasyon ng mga testigo para matiyak ang katarungan sa kaso ng anomalya sa flood control projects.
Sinabi ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano, isasailalim sa masusing pagsusuri ng DOJ ang aplikasyon ni Discaya upang masiguro ang bisa ng Witness Protection Program at ang kredibilidad ng resource person.
Kasunod nito, titiyakin ng DOJ na hindi mamimili sa paglalahad ng impormasyon upang mailahad nang buo ang katotohanan sa kaso.
















