-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Civil Service Commission (CSC) Chairperson Marilyn Barua-Yap ang alegasyon ng Duterte Youth party-list na siya ay naghain ng courtesy resignation kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagbitiwin ang mga miyembro nito sa Gabinete.

Sa isang maikling pahayag, nilinaw ni Barua-Yap na hindi siya nagbitiw at wala ring dahilan upang gawin ito. Aniya, ang utos umano ng Pangulo ay para lamang sa mga miyembro ng Gabinete at nilinaw na ang CSC ay isang independent constitutional commission na hiwalay sa direktang control ng executive branch.

‘The recent directive of the President requesting the resignation of his Cabinet Secretaries does not apply to me, as I am not a member of the Cabinet nor am I under the executive branch’s direct control,’ ani Yap.

Nabatid na ang Duterte Youth party-list, na kasalukuyang suspendido ang proklamasyon habang dinidinig ang disqualification, ang nagpakalat ng balita ukol sa umano’y pagbibitiw ni Barua-Yap.

Iginiit din ng grupo na dapat sundin ni Commission on Election (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia ang “Wisdom of the President” at magbitiw rin sa puwesto.

Matatandaan na sinuspinde ng Comelec ang proklamasyon ng Duterte Youth habang tinatalakay ang petisyon kaugnay ng kanilang accreditation.