-- Advertisements --

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Mahaharap ng tatlong kasong kriminal ang may-ari ng trailer truck at ang reliever driver kaugnay sa malagim na pag-araro ng mga nakikilamay lamang sana sa kapitbahay sa Zone 2, Brgy Apalaya, Jasaan, Misamis Oriental.

Ito ay matapos natuklasan ng pulisya na hindi tumugma ang gamit na lisensiya ng driver na si Vincent Rey Abuloc ng Butuan City sa sasakyan na minaneho nito na kinargahan ng bulldozer na papunta sana sa Zamboanga Peninsula.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Sr Master Sgt Edilberto Gacita, imbestigador ng Jasaan Police Station na habang patakbo umano ang truck ng ni Abuloc ay ramdam nito na mayroong nabali kaya nagresulta nang pagkaputol ng chassis at nawalan ng balanse dahil sa bigat ng heavy equipment kaya inararo ang mga nakilamay sa lugar.

Inihayag ni Gacita na kabilang sa mga nasawi ay ang mga kagawad ng barangay na sina Wilfredo Capillador Jr., 36; Lemuel Edorot, 33; Serex Andumac, 53; Justine Lagno, menor de edad, at lahat taga-Jasaan; Hilardo Montecillo, 65; Jenny Montecello at isa pang walang identity.

Sinabi ng opisyal na dinala naman sa pagamutan ang Ariel Ampion ng Laguindingan town, Shiela Montecillo ng Claveria at magpinsan na sina Jelson at Christ King Emanel na taga-Jasaan dahil sa matinding mga sugat na kanilang tinamo.

Dagdag ni Gacita na kakaharapin ng truck owner na si Joselito Gupita at Abuloc ang mga kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, reckless imprudence resulting to physical injury at reckless imprudence resulting to damage to property dahil sa tindi ng pangyayari.

Sa ngayon naka-ospital din ang helper na si Dodong Maquiling na nagulpi ng husto ng mga galit na residente habang nakakulong sina Abuloc, Jeffrey Tipasi at Lito Cultura na bahagi ng mga nakasakay ng trailer truck.

Magugunitang nasa 13 na motorsiklo at anim na 4-wheel vehicles ang nasira dahil sa matinding impact ng aksidente.