-- Advertisements --

Sinentensiyahan ng apat na buwang pagkakakulong ang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) dahil sa pagharang noon sa highway sa kasagsagan ng pag-aresto sa kanilang founder na si Pastor Apollo Quiboloy.

Napatunayang guilty ng Metropolitan Trial Court Branch 39 sa Quezon City si Eduardo Corda dahil sa paglabag sa Section 13(a) ng Batas Pambansa Bilang 880 o ang Public Assembly Act of 1985 may kaugnayan sa isinagawang kilos-protesta noong Agosto 2024 sa KOJC compound sa Davao City.

Nag-ugat ang kaso mula sa mga protesta at barricades ng KOJC supporters sa kasagsagan ng pagsisilbi ng mga awtoridad ng arrest warrant laban kay Quiboloy.

Base sa desisyon, inokupa ng mga nagpoprotesta ang parte ng Philippine-Japan Friendship Highway gamit ang mga sasakyan at iba pang barikada, na nagresulta sa public obstruction sa kasagsagan ng police operations.

Bagamat nakakuha ng permit ang grupo para sa prayer rally at candle lighting activity, saklaw lamang nito ang event sa loob ng KOJC compound.

Ikinatwiran naman ng kampo ng KOJC member sa trial na hindi siya ang nag-organisa ng iligal na mga aktibidad at kumilos sa ministerial o peacekeeping role sa kasagsagan ng pagtitipon.

Subalit, sinabi sa desisyon na ikinokonsidera ng mga awtoridad si Corda na isa sa mga lider ng assembly, base sa kaniyang paggamit ng megaphone at crowd coordination sa kasagsagan ng girian.

Ibinahagi ni dating PNP Chief at kasalukuyang MMDA general manager Nicolas Torre III ang ruling ng korte sa kaniyang online account.

Sa kaniyang caption, sinabi ni Torre na ang desisyon ng korte ay hindi isang selebrasyon o paghihiganti kundi isang simpleng paalala na ‘ang batas ay batas.”

Aniya, “hindi pwedeng ang sigaw ay gamiting depensa, hindi pwedeng ang ingay ay gawing exemption at lalong hindi pwedeng ang impluwensiya ay gawing lisensiya.”

Mabagal man aniya ang hustisiya pero ito ay darating. Dapat din aniyang maintindihan ng lahat na “kung ang ordinaryong mamamayan kailangang sumunod sa batas, mas lalo ang mga makapangyarihan.”

Matatandaan, nagsilbing Davao Regional Police Chief si Torre na nanguna sa pag-aresto noon kay Pastor Apollo Quiboloy.