-- Advertisements --

Hindi umano dapat iugnay sa isyu ng press freedom ang kontrobersiyang bumabalot sa pagkakaaresto sa founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN) kaugnay ng umano’y extortion laban sa isang politiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Danilo Arao, journalism professor ng UP Diliman, nilinaw nito na bagamat maaaring ituring na isang news media organization ang PGMN at ang mga anchor nito ay teknikal na nagsasagawa ng pamamahayag, mahalagang suriin kung ang kanilang ginagawa ay naaayon sa pamantayan ng responsableng journalism.

Ayon kay Arao, ang tinatawag na “kill fee” kung saan umano’y humihingi ng bayad kapalit ng hindi paglathala ng isang ulat ay isang malinaw na paglabag sa etika ng pamamahayag.

Gayunman, binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagiging patas sa usapin, lalo’t itinanggi ng panig ng PGMN ang alegasyon at sinabing sila ay na-set up lamang.

Sa kabila nito, nagtanong si Arao hinggil sa mga pangyayaring nakapalibot sa kaso, kabilang ang umano’y transaksyon ng malaking halaga ng pera sa gabi, isang sitwasyong aniya’y kahina-hinala sa konteksto ng lehitimong negosyo.

Binibigyang-linaw din ng propesor na ang naturang kaso ay hindi maituturing na pag-atake sa media, kundi isang simpleng usapin ng krimen kung mapapatunayang may nangyaring pangingikil.

Samantala, kinuwestiyon din ni Arao ang kredibilidad ng PGMN bilang isang “alternative media” platform.

Aniya, ang tunay na alternative media ay sumusunod pa rin sa pinakamataas na pamantayan ng pamamahayag, kabilang ang accountability at pagsunod sa code of ethics.

Dagdag pa niya, ang ilang ulat umano ng PGMN ay one-sided at kulang sa beripikasyon, at may mga pagkakataong nasasangkot sa red-tagging, isang praktis na matagal nang kinokondena ng mga lehitimong media organization.

Sa panig naman ng PGMN, iginiit nilang na-setup lamang si Mabanta at tiniyak na bubwelta ito laban sa mga nasa likod ng pagsasampa ng reklamo.