Inisyuhan ng Korte sa Pasig ng cyber warrant sina Franco Mabanta at kaniyang mga kasama kaugnay ng umano’y tangkang pangingikil laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, inaprubahan ng Regional Trial Court (RTC) ng Pasig ang cyber warrant laban kay Mabanta kaya awtorisado na ang NBI na suriin ang kaniyang mga gadget at alamin kung sinu-sino ang kaniyang nakausap.
Maaalalang inakusahan si Mabanta na nagbanta umanong ilalabas sa pamamagitan ng Peanut Gallery Media Network ((PGMN) ang mga video na nag-uugnay kay Romualdez sa multi-bilyong pisong flood control corruption scandal kung hindi umano siya magbabayad ng P350 milyon.
Mariin namang itinanggi nina Mabanta at PGMN ang alegasyon at iginiit na “setup” ang pag-aresto sa kaniya.
Noong Mayo 9, pinalaya si Mabanta at apat niyang kasama matapos makapagpiyansa.
















