-- Advertisements --

Nakatakdang maghain ng resolusyon si Tingog party-list Rep. Jude Acidre kasama ang 40 iba pang miyembro ng Kamara de Representantes para imbestigahan ang umano’y extortion incident na kinasasangkutan ng social media personality na si Franco Mabanta at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Acidre na ang hakbang ay “in aid of legislation” upang suriin ang insidente na kinasasangkutan ng mga social media influencer at online political operators.

Ayon pa sa kongresista, layunin ng imbestigasyon na talakayin ang mas malawak na isyu kung dapat bang ipatupad sa social media commentators ang katulad na standards of conduct na mayroon ang media at journalists.

Binanggit din niya ang pangangailangan ng isang policy framework na magtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag.

“Online platforms, digital media networks, and content creators must observe clearer standards of transparency and responsibility,” dagdag niya.

Ayon sa ulat, inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) si Mabanta at apat pang indibidwal sa isang entrapment operation dahil sa umano’y kasong robbery-extortion.

Sinasabing ang kaso ay kaugnay ng umano’y pangingikil ng P300 milyon mula kay Romualdez kapalit ng hindi paglalabas ng content na mag-uugnay sa kanya sa isyu ng flood control.

Matapos ang pagkakaaresto, agad ding nakalaya ang mga suspek matapos magpiyansa.