-- Advertisements --

LCT 1
Photo courtesy: PCG Spokes. Commodore Armand Balilo

Kinumpirma ng pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa ligtas na kalagayan na ngayon ang lahat ng crew ng cargo vessel ang LCT AVIVA 80, matapos makaranas ng matinding sama ng panahon sa may bahagi ng Bajo de Masinloc sa Zambales.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PCG Spokesperson, Commodore Armand Balilo, nakausap na ng mga Coast Guard personnel ang kapitan at crew ng barko at kasalukuyang nasa maayos na kondisyon ang mga ito.

Sinabi ni Balilo, agad rumisponde ang mga tauhan ng Coast Guard sa Zambales, matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa isang cargo vessel na humihingi ng ayuda dahil sa nakakasagupa nila ang malalakas at malalaking alon bunsod ng sama ng panahon.

Ang Bajo de Masinloc ay matatagpuan sa Zambales sa bahagi ng West Philippine Sea.

Naalarma kasi ang mga crew ng barko dahil pumapasok na ang tubig dagat sa loob ng barko.