Mariing itinanggi ng Department of Labor and Employent (DOLE) na nawawalan ng trabaho ang karamihan sa mga OFW sa Hong Kong dahil sa pagkalat ng novel coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello, hindi pa maituturing na alarma ang aniya’y isolated cases ng pagkakatanggal sa trabaho ng ilang Pinoy household service worker.
Kung maalala, sinabi ni DFA Sec. Teddy Locsin Jr. na ihahanda na nila ang repatriation ng mga OFW sa Hong Kong dahil sa mga ulat na may ilang Pinoy ang sinisibak kanilang trabaho.
“Fake news ‘yan. That’s not true. We are not losing workers in the overseas except for some few requests for repatriation. Yung incidents of some of our workers losing their job its because yung employers nila ay not permanent residents of Hong Kong,” ani Bello.
Bumuo na ng Crisis Management Committee ang DOLE na tutugon sa epekto ng COVID-19 sa sektor ng mga manggagawang Pinoy sa loob at labas ng Pilipinas.
Kabilang sa napagkasunduan ng komite ang pagbalangkas ng mga hakbang sakaling tumagal pa ang outbreak ng COVID-19 sa ibayong dagat.
Ang mga manggagawa naman dito sa bansa, lalo na ang mga nasa sektor ng turismo ay makakatanggap din ng insentibo sa pamamagitan ng programang ipapatupad ng DOLE.
Sa tala ng ahensya, 35 establisyemento na ang nagpayahag na magpatupad ng flexible working arrangement.
May 20 establisyemento naman ang nag-suspinde muna ng operasyon at tinatayang nasa 300 empleyado ang apektado.
“We have prepared policy directions like issuing guidelines on the implementation of flexible work arrangements as remedial measure to the outgoing outbreak. The objective of this one is to help both employer atsaka employees. The second one is actually we are preparing a proposal to beef up our Adjustment Measure Program to address yung mga emergency situation ng job displacement,” ani Labor Usec. Ana Dione.