CENTRAL MINDANAO – “Keep yourself busy.”
Ito ang naging payo ni Cotabato 1st District Board Member Rosalie Cabaya sa mga sumasailalim ngayon sa quarantine dahil sa pagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Kung maaalala, isa rin si Cabaya kasama ang kaniyang asawa na si dating Board Member Loreto Cabaya sa mga nagpositibo sa virus, isang buwan na ang nakalilipas.
Ayon kay Cabaya, talagang nakakalungkot at nakababagot ang pagsasailalim nila sa halos tatlong linggong quarantine ngunit kailangan itong pagdaanan para sa kapakanan ng iba.
Aniya, upang mapawi ito ay kailangan lamang maging “busy” at ituon ang atensyon sa ilang mga gawain na pwedeng magawa sa isolation facility.
Kabilang sa mga ito ay ang paglilinis, pag-eehersisyo at pagtatanim.
Ayon pa sa opisyal, sa pagiging ‘busy’ ay makakatulong ito upang maibsan ang stress o depresyon na napapagdaanan ng mga pasyente.
Kinakailangan din aniyang labanan ang kawalang gana sa pagkain lalo pa at resistensya dapat palakasin upang mas mapabilis ang pag-recover sa COVID-19.
Wala umanong ibang makakatulong sa pagrekober ng bawat COVID patient kundi ang sarili lamang na may kasamang pagpapadama ng pagmamahal mula sa pamilya.
Dagdag pa ni Cabaya, maging sila man ay nakaranas ng diskriminasyon dahil sa kanilang pagpositibo sa nakamamatay na sakit.
Ani Cabaya, ramdam niya ang mga napagdaanan ng mga COVID survivors na lungkot at takot.
Samantala, nagpapasalamat naman si Cabaya sa mga nagdasal para sa kanilang agarang paggaling sa deadly virus.
Payo naman nito sa publiko ‘wag i-descriminate ang mga pasyente o kahit PUM at PUI ng COVID-19 dahil isa ito sa nakakapagpababa ng loob sa halip ay ipagdasal na lamang ang agaran nilang paggaling.
Si BM Cabaya at ang kaniyang asawa ay sumailalim sa halos tatlong linggong quarantine at dumaan sa dalawa pang swab test matapos magpositibo sa unang swab kung saan nagnegatibo ang parehong resulta.