ILOILO CITY – Hindi na matutuloy ang ilang malalaking aktibidad na gaganapin sa Lungsod ng Iloilo.
Ito’y dahil sa pangamba sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) matapos isinailalim na sa “code red” ang Pilipinas.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na kabilang sa mga aktibidad na kinansela ay ang moving-up ng Day Care program, Paraw Regatta, at Iloilo Summer Arts Festival.
Ayon sa alkalde, nais niyang matiyak na ligtas ang mga tao sa kanilang lungsod kaya kinansela na ang mga nasabing aktibidad.
Nakipag-ugnayan na rin si Treñas kay Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr., upang mabantayan ng maigi ang mga taong pumapasok sa lalawigan at lungsod ng Iloilo.
Posibleng ganapin ang mga aktibidad Oktubre ngunit ito ay pagpapasyahan pa ng lungsod at ng mga organizer.
Napag-alaman na mula Enero 1, naitala ng Department of Health-Region 6 ang 42 “persons under investigation” kung saan 41 rito ang nakalabas na at negatibo ang resulta sa COVID-19 at isang pasyente na lang ang nanatili pa rin ang isinasailalim sa quarantine.