-- Advertisements --

CEBU CITY – Sinuspinde na ang klase sa buong Metro Cebu simula sa Lunes, Marso 16 kaugnay na rin sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Inanunsyo na ng mga alkalde ng Cebu City, Mandaue City, Lapu-Lapu City, Talisay City at maging ang Cebu Province sa pamamagitan ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia, ang kanselasyon ng mga klase mula pre-school hanggang sa kolehiyo sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Nabatid na wala pa namang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Metro Cebu ngunit ginawa na lang ng mga opisyal ang nasabing hakbang upang maging ligtas ang mga mag-aaral gayundin ang mga guro sa sa pinangangambahang virus.

Habang isinailalim na sa state of calamity ang lungsod ng Cebu matapos itong aprubahan sa konseho sa pangunguna ni Cebu City Vice Mayor Michael Rama.

Kaugnay nito ay hinimok ni Cebu City Mayor Edgardo Labella ang lahat ng mga pribadong establisimento na magkaroon ng mga thermal scanning device upang malaman ang temperatura ng mga taong papasok sa kanilang building, ganundin ang paglalagay ng mga hand sanitizers.

Pinapaalalahan din ng alkalde ang mga Sugbuanon na panatilihin ang pagiging kalmado at mag-ingat sa lahat ng panahon.