Sasamantalahin umano ng National Task Force against COVID-19 ang dalawang linggong pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at karatig-lalawigan para magsagawa ng recabliration sa COVID-19 response.

Sinabi ni NTF chief implementer Carlito Galvez Jr, gagamitin nila ang 15 araw para aralin kung saan nagkamali at aayusin para maibaba ang COVID-19 cases sa bansa.

Ayon kay Sec. Galvez, nagbago na ang trend sa transmission kung saan hindi na lang isa sa pamilya, kundi pami-pamilya na ang nai-infect sa virus.

Napag-alaman din nila na ang pinagmumulan na ngayon ng transmission ay sa workplace at family gatherings.

Inihalimbawa ni Sec. Galvez ang nangyari sa isang bayan sa Nueva Ecija na walang kaso ng COVID-19 pero may isang pamilya na nag-imbita ng mga bisita sa Metro Manila para sa kanilang family reunion kaya umabot ng 70 ang nagpositibo sa virus.