CAGAYAN DE ORO CITY – Nagtala ng pinakaunang pasyente ang Northern Mindanao na positibo ng Coronavirus Disease (COVID-19) na tuluyang naka-rekober habang naka-confine ng ilang linggo sa Northern Mindanao Medical Center (NMMC) na nakabase sa Cagayan de Oro City.
Ito ay matapos kinumpirma ni NMMC Hospital Director Dr Jose Chan na pinahintulutan na nila na makalabas ang 66 anyos na babaeng pasyente na taga-Lanao del Sur dahil negatibo ang pinakahuling resulta na inilabas mula Research Institute of Tropical Medicine (RITM) ng Mandaluyong City.
Inihayag ni Chan na bagamat nakalabas na ang pasyente subalit hindi muna nila ito pinauwi sa kanyang pamilya subalit dinala sa isa pang quarantine unit ng syudad para obserbahan ng panibagong 14 na araw bago pauwiin sa Lanao del Sur.
Kaugnay nito,umaasa si Chan na sana ay maka-rekober din ang tatlong iba pa na COVID-19 positives na kinabilangan ng 71 anyos na taga- Cagayan de Oro City;67 anyos na residente ng Iligan City at isa pang 67 anyos na taga-Tubod,Lanao del Norte.
Kung maalala,sa loob ng dalawang buwan ay nasa 60 na mga pasyente na ang naipasok sa Northern Mindanao Medical Center subalit karamihan sa mga ito ay nag-negatibo at nakauwi na sa kani-kanilang mga pamilya.