Halos 100 na ang naitatalang death case ngayon ng Department of Health (DOH) dahil sa COVID-19.

Sa bagong data na inilabas ng ahensya nitong hapon, walo ang nadagdag sa bilang kaya at nasa 96 na ang death toll.

Lahat sila ay kabilang doon sa tinatawag na “vulnerable population” dahil sa kanilang edad na 65-year old pataas; gayundin na may iba pa silang comorbidities o iniindang sakit bukod sa COVID-19 tulad ng altapresyon at sakit sa bato.

Sa naturang bilang, lima ang lalaki at tatlo ang babae. Halos lahat sila ay residente ng Metro Manila, isa naman ang taga-Cebu City.

Samantala, isa lang bagong recovery na si PH179. Residente ng Taguig City itong 59-year old na lalaki, na discharged na noong March 29.

Kumpara kahapon, mas mababa ang nadagdag sa bilang ng positive cases ngayon.

Ayon sa DOH, 227 ang bagong kaso kaya pumalo pa sa 2,311 ang total COVID-19 cases.