Nasa 182,365 na ang total ng naitalang COVID-19 cases sa Pilipinas, ayon sa pinakabagong data ng Department of Health (DOH).
Batay sa inilabas na case bulletin ng ahensya, 103 lang mula sa 109 na laboratoryo ang nag-submit ng kanilang reports kaya umabot sa 4,786 ang bilang ng mga bagong kaso ng sakit.
Mula sa nasabing numero, pinakamarami pa rin ang galing sa National Capital Region, Region 4A at Region 3. Karamihan sa mga ito ang nag-positibo sa nakalipas na 14 na araw.
“Of the 4,786 reported cases today, 3,702(77%) occurred within the recent 14 days (August 8-21, 2020). The top regions with cases in the recent two weeks were NCR (2,074 or 56%), Region 4A (670 or 18%) and Region 3 (259 or 7%).”
Ang bilang naman ng mga nagpapagaling pa ay nasa halos 65,000, na karamihan ay mild cases.
Samantala ang total recoveries ay pumapalo na nang 114,519 dahil sa 616 na nadagdag sa listahan ng mga gumaling.
May 59 deaths namang nadagdag sa kabuuang bilang ng mga namatay na 2,940.
Ayon sa DOH, may 443 duplicates silang tinanggal mula sa total case count. Ang 189 dito ay recovered cases.
“Moreover, there were twenty-two (22) cases that were previously reported as recovered but after final validation, they were deaths (6) and active (16) cases. There’s also two (2) cases that were previously reported as death but have been validated as active cases.”