Posible umanong pumalo sa 11,000 ang kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa pagsapit ng katapusan ng buwan ng Marso.
Ito ngayon ang lumalabas sa bagong pagtaya o calculation ng OCTA Research group.
Sinabi ni Professor Guido David na base kasi sa reproduction number ay tumaas pa sa 2.03, ibig sabihin ang bawat positibo sa virus ay maaring makahawa ng dalawang katao.
Sinabi ni David na karamihan sa mga naitatalang may pagtaas ng kaso ng covid ay ang Metro Manila pero bumagal naman ang trend sa Pasay, Malabon a Navotas na dati ay mayroong mataas na kaso.
Dagdag ni David, hindi lamang umano sa Metro Manila nararanasan ang pagtaas ng kaso ng covid kundi pati sa Calabarzon partikular sa Rizal, Cavite at ilang bahagi ng Bulacan.
Kasunod nito, nanawagan naman si David sa ating mga kababayan na magkaroon na lamang ng personal enhanced community quarantine dahil hindi raw dapat ang national at local government pa ang gagalaw rito at ito ay para raw sa isa’t isa.