-- Advertisements --

LA UNION – Tumaas pa ng 8,000 ang naitalang kaso ng Covid 19 sa bansang Chile.

Ayon kay news correspondent Mary Jane Giron, na tubo ng Luna, La Union at nagtatrabaho bilang nanny sa nasabing bansa umabot na sa 8,000 ang naitalang Person Under Investigation (PUI); at higit 100 na rin ang namamatay sa panayam ng Bombo Radyo.

Sa ngayon naka lock down na rin ang nasabing bansa at hindi rin sila makapagpadala ng pera sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Sinabi pa nito na pinapayagan naman silang lumabas gamit ang quarantine pass ngunit apat na oras lang ang kanilang itatagal sa labas.

Mahigpit naman ang ipinapatupad na social distancing, pagsuot ng face mask at pagsuot ng gloves kung saan maaring mamulta ng $2,500 o katumbas ng P45,000 hanggang P50,000 kapag walang suot na mask.

Bagamat marami sa kanila ang walang trabaho ay umaasa na lamang ang mga ito sa tulong na galing sa mga kaibigan.

Gayunman, umaasa rin ang mga ito ng tulong na ibibigay ng pamahalan ng Pilipinas habang nahaharap sa corona virus pandemic..