Tuluyan ng ipinasara ng Makati City government ang klinika kung saan nagpa-liposuction at namatay ang isang negosyanteng babae nitong Lunes.

Personal na pinaskil ni Makati City PNP chief police Senior Supt. Rogelio Simon ang closure order sa Contours Advanced Face and Body Sculpting, kasama ang ilang kawani ng lokal na pamahalaan.

Ito’y bunsod ng ulat na expired na ang business permit ng naturang cosmetic clinic.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, hindi surgeon kundi dermatologist na si Claudine Roura nagsagawa ng medical procedure sa biktimang si Nory Bobadilla, kasama ang licensed anesthesiologist na si Katrina Bulseca.

Sa kalagitnaan daw ng procedure ay nawalan ng malay ang biktima, na hindi kalaunan ay nalagay sa comatose stage.

-- Advertisement --

Sa ngayon inihahanda na raw ng Makati PNP ang mga kasong reckless imprudence resulting to homicide at medical malpractice na posibleng isampa laban sa mga doktor na sangkot sa insidente.

Nananatili namang tikom ang panig ng klinika sa kaso.