CAGAYAN DE ORO CITY – Pinagpaliwanag ngayon ng Bureau of Customs Northern Mindanao ang umano’y consignee sa nakumpiska na container van na mayroong karga na sari-saring uri ng sigarilyo at personal effects mula China.
Ito ay matapos naharang ng BoC kasama ang mga personahe mula Philippine Coast Guard 10 ang nasa P30 milyon halaga na kontrabando na tangka sana ipalusot sa Mindanao Container Terminal upang ipuslit umano patungo sa General Santos City.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni BoC Cagayan de Oro spokesperson Angelo Andrade na kung hindi ma-kontento ang kanilang tanggapan sa gawing papaliwanag ng isang Lorna Oftana sa umano’y misdeclaration ng kargamento ay mahaharap ito sa mga kaso sa korte.
Sinabi ni Andrade na pansamantalang naka-kustodiya sa BoC warehouse ang kontrabando habang hinihintay ang kasagutan ng consignee ukol sa pangyayari.
Matatandaan na sa taong 2020,nasa higit P110 milyon na halaga ng illicit cigarettes ang nakompiska rin ng BoC-CdeO na tinangka pinalusot sa daungan ng lalawigan upang ipuslit sana sa magkaibang lugar sa Mindanao.