-- Advertisements --

Itinanggi ni Benguet Rep. Eric Yap ang mga alegasyon na naghatid siya ng pera kay Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.

Ito ay matapos na isiwalat ng dating security aide na si Orly Guteza sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Commitee na naghatid umano ang mambabatas ng pera laman ng 46 na maleta sa bahay ni Co sa Taguig.

Ayon kay Co, hindi siya sangkot sa naturang gawain na ibinabato laban sa kaniya at hindi kailanman siya tumanggap, nag-otorisa at hindi rin naghatid ng pera may kaugnayan sa flood control projects at iginiit na wala itong katotohanan.

Nagpahayag din ng pagkadismaya ang mambabatas na marinig ang kaniyang pangalan na nakaladkad sa pagdinig sa Senado kaugnay sa umano’y mga iregularidad sa flood control projects.

Masakit aniya para sa kaniya na madawit sa naturang isyu, hindi lamang para sa kaniya kundi maging sa mamamayan na pinangakuang pagsisilbihan nang may integridad.

Subalit bilang isang public servant, may pananagutan aniya siya sa taumbayan. Kayat bukas siya sa binigay na pagkakataon para harapin ang testigong nagdawit sa kaniya sa proper forum at sa ilalim ng paglilitis kung saan iginagalang ang kaniyang constitutional rights.

Naniniwala din ang mambabatas na lalabas din ang katotohanan at malalantad ang mga tunay na salarin na nakagawa ng naturang mga krimen.