-- Advertisements --

Ilulunsad ng Government Service Insurance System (GSIS) ang computer loan program sa darating na buwan ng Agosto.

Ito ay sa layuning makasabay sa new normal o blended learning ng Department of Education (DepEd) para sa nalalapit na school year 2020-2021 ang mga mag-aaaral.

Sa pre-SONA forum, sinabi ni Finance Sec. Carlos Dominguez na P30,000 loan program ang alok ng GSIS para makabili ng computer o laptop ang mga magulang na siyang gagamitin naman ng kanilang mga anak sa online learning gayundin ang mga guro.

Ayon kay Sec. Dominguez, maaaring bayaran ang naturang loan sa loob ng tatlong taon na mayroong 6 percent interest.

Samantala, sa Setyembre naman ilulunsad ng GSIS ang education loan program kung saan ang mga kuwalipikadong miyembro ay maaaring makapag-loan ng hanggang P100,000 per academic school year para sa kanilang nominated student-beneficiaries.

Maaari umano itong bayaran sa loob ng limang taon.