-- Advertisements --

Walong bagong panukalang batas isinulong ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ng magpulong ngayong araw ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ng 20th Congress.

Ginanap ang pulong sa Malacañang, kasama ang iba pang lider ng Kamara tulad ni Majority Leader Sandro Marcos. Muling tiniyak ni Dy ang buong suporta ng Kamara sa pamahalaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at iba pang lider ng pamahalaan upang mapabilis ang pagpasa ng mahahalagang batas.

Ipinaliwanag ni Speaker Dy na ang agenda ng Kamara ay nakatuon sa paglago ng ekonomiya, mas matatag na proteksyong panlipunan, at reporma sa pamamahala. Kabilang sa mga pangunahing layunin ay ang murang pagkain, sustainable na trabaho, mas malawak na digital connectivity, at mas mataas na kalidad ng serbisyong pampubliko.

Iniulat din ni Dy na sa 33 panukalang batas na tinukoy ng ehekutibo, 32 ay naihain na sa Kamara, na aniya ay “isang positibong simula ng produktibong pagtutulungan ng lahat ng sangay ng pamahalaan.”

Ipinrisinta rin ni Dy ang walo pang bagong panukalang batas na posibleng isama sa LEDAC priority list:

1. Disaster Risk Financing and Insurance Framework – Para sa mabilis at tapat na pagtugon sa kalamidad.

2. Pagpapalakas ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) – Pagpapalawig sa buhay ng korporasyon at pagbubukas ng piling lupa para sa pag-unlad.

3. Presidential Merit Scholarship Program – Gantimpala para sa mahuhusay na estudyante mula sa low- at middle-income na pamilya.

4. Pagbabawal sa mga kamag-anak ng opisyal (hanggang ikaapat na antas) sa pagkuha ng government contracts – Para sa integridad sa serbisyo publiko.

5. Regulasyon sa digital campaigning – Sa pamamagitan ng Fair Use of Social Media, AI, at Internet Technology in Elections.

6. Modernisasyon ng Bureau of Immigration – Sa pamamagitan ng professionalization, bagong visa categories, at mas mahigpit na border security.

7. Rice Industry and Consumer Empowerment (RICE) Act – Para sa matatag na presyo ng bigas at pagpapalakas ng National Food Authority (NFA).

8. Magna Carta for Barangays – Para sa matagal nang hinihintay na benepisyo at pondo para sa mga opisyal at komunidad sa barangay.

Naniniwala si Dy na sa pamumuno ng Pangulo at sama-samang hangarin, makakamit ang mga layunin sa lehislatura.

Giit ni Dy na tumutugon ang Kamara de Representante sa panawagan ng taumbayan sa pamamagitan ng paglikha ng mga batas na may direktang epekto sa kanilang buhay.