Maglalatag ng communication plan ang pamahalaan sa harap ng sinisimulan ng pagbubukas ng ekonomiya sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, tatawagin nila itong ‘Ingat Buhay Para sa Hanapbuhay.”
Ayon kay Sec. Roque, paghahanap-buhay lang talaga ang nakikitang pamamaraan ng pamahalaan para muling makabangon ang ekonomiya at sa harap ng agam-agam ng publiko na mahirap bumuti ang kanilang buhay sa mga susunod na buwan.
Lumabas umano sa kamakailang survey na dalawa sa bawat limang adult Filipinos ang nagsasabing inaasahan na nilang mas lalala pa ang ekonomiya sa susunod pang 12 buwan.
Nauunawaan naman daw nila ang pagiging negatibo ng ating mga kababayan kaya kaakibat ng muling pagbubukas ng mga negosyo ay ang pangangailangang maging maingat na gagawan ng gobyerno ng isang communication plan.