LAOAG CITY – Mahigpit ang ibinigay na seguridad sa pagbisita ng common-law wife ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Cielito “Honeylet” Avanceña dito sa lalawigan ng Ilocos Norte nitong Huwebes ng hapon.

Ito ang sinabi sa Bombo Radyo Laoag ni Police Capt. Michael Permison, OIC Chief of police sa bayan ng Currimao.

Ani Permison, mula sa Laoag International Airport (LIA) dito sa Lungsod ng Laoag ay dumiretso ang grupo ni Avanceña sa bayan ng Pinili para bisitahin si Lola Magdalena Galinato na pinarangalan noong 2012 bilang Gawad Manlilikha ng Bayan National Artista na pinakamataas na parangal na ibinibigay ng National Commission Culture and the Arts.

Pagkatapos nito, nagtungo si Avanceña sa isang pribadong resort sa bayan ng Currimao dahil inimbitahan umano ni Doctor Joven Quanang na malapit niyang kaibigan.

Sinabi ni Permison na wala pang isang oras na nanatili si Avanceña sa resort dahil matapos nilang mag-usap ni Doctor Quanang sa isang silid ay lumabas na ito at dumeretso na sa paliparan pabalik ng Manila.