-- Advertisements --

Nagkaroon ng kilos-protesta ang mga grupo ng mga guro sa harap ng Commission on Elections (COMELEC) ngayong araw.

Ang hiling nila para sa komisyon ay tanggalin na ang buwis na pinapataw sa honoraria na matatanggap ng mga guro na magsisilbi sa eleksyon at nais din nilang magkaroon ng overtime pay pati na rin meal at transport allowance ang mga guro lalo na’t iba ang kanilang pagsasakripisyo para mapanatiling maayos ang araw ng eleksyon. Dagdag pa ng grupo na isama sila sa voters care ng komisyon.

Ayon kay Alliance of Concerned Teachers – National Chairperson Vladimer Quetua, nasa mahigit isang libo (Php 1,000) rin kasi ang mawawala sa mga guro kapag kinuha pa ang buwis sa kanilang honorarium. Aniya, marapat lamang bigyang-pansin ang kapakanan ng mga guro na magbubuwis ng buhay para sa halalan.

“Sa katunayan, nakita natin noong testing and sealing, meron talagang haharapin na mga problema ang mga teachers, sa kabila nun ay bubuwisan pa..buwis-buhay na nga, bubuwisan pa ang mga teachers na ito..” pahayag ni Alliance of Concerned Teachers – National Chairperson Vladimer Quetua.

Kaugnay nito, suportado naman ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia ang kanilang hiling na tanggalan na ng buwis ang mga honoraria para sa mga guro ngunit paglilinaw niya na naka-base pa rin ito sa magiging tugon ng kongreso sa kanila. Aniya, huwag rin mag-alala sa voters care dahil lahat sila ay kasama sa plano ng poll body.

11IPatungkol naman sa hiling na overtime pay, paglilinaw ni Garcia na may circular kasi ang Commission on Audit (CoA) at Department of Budget and Management (DBM) na nagsasabi na ang maaari lang makakuha ng overtime pay ay mga empleyado ng ahensya. Bagaman ito ay suportado ng komisyon, magdedepende pa rin ito sa Commission on Audit (CoA), Department of Budget and Management (DBM) at Civil Service Commission (CSC).

“Kami po ay sumusuporta doon sa pagkakaroon ng tax exemption ng ating mga guro sa kanila pong honorarium kaya nga po natin inilaban yung dagdag na honoraria para po sa kanila –across the board at sana nga po mapakinggan yung pong panawagan na huwag na po natin silang i-tax sa kanilang kikitain sa araw po ng eleksyon..” ani ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia.