-- Advertisements --

Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-imprinta ng official ballots para sa plebisito sa Maguindanao.

Inanunsiyo ng poll body na ang printing ng official ballots para sa September 17 plebiscite ay sinimulan na kahapon sa National Printing Office sa Quezon City.

Noong Hunyo nang nagtakda ang poll body ng petsa ng plebisito para ratipikahan ang dibisyon ng probinsiya ng Maguindanao sa dalawang probinsiya ito ay ang Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur salig sa Republic Act No. 11550.

Gayundin inumpisahan na ang pag-imprinta ng official ballots at iba pang accountable forms para sa tatlong iba pang plebisito.

Ito ay ang plebisito para sa ratipikasyon sa paglikha ng Barangay New Canaan mula sa Barangay Pag-asa sa munisipalidad ng Alabel, Sarangani epektibo sa August 20, 2022.

Gayundin ang ratipikasyon sa conversion ng bayan ng Calaca sa probinsiya ng Batangas na maging component city at tatawaging city of Calaca sa September 3, 2022.

At ang ratipikasyon ng pagsasama ng 28 barangays sa tatlong barangay na lamang at isa pang barangay, sa Ormoc City sa October 8, 2022.