-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng kandidato sa katatapos lamang na midterm elections na magsumite na ng kanilang Statements of Contributions and Expenditures o SOCE at tiyaking tama at totoong impormasyon ng kanilang isusumite.

Sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na inaasahan nilang magsumite ng SOCEs ang lahat ng nanalo at natalong kandidato, mga partidong politikal, at mga party-list organizations bago ang Hunyo 11, 30 araw ito pagkatapos ng eleksyon.

Dagdag pa ni Garcia, kapag nagpasa ng SOCE at nalaman na may mga hindi pagkakatugma o hindi totoong impormasyon sa isinumite, maaaring maharap sa kasong falsification at perjury na kapwa paglabag sa batas.

Aniya, mas madali nang matukoy ang mga maling impormasyon sa mga SOCEs dahil ilalathala ng COMELEC ang mga ito sa kanilang website, katulad ng kanilang ginawa sa mga Certificate of Candidacies o COC.

Ang hindi magsumite ng SOCE ay maaaring magresulta sa pagmumulta para sa mga kandidatong sangkot at kanilang mga partido. Samantala, ang mga paulit-ulit na lumalabag naman ay maaari ring patawan ng habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon, ayon ito sa batas.

Ang sakop ng SOCE ay ang paggastos ng lahat ng mga tumakbong kandidato, national o lokal na lebel man magmula Pebrero 11 para sa mga senador at party-list, samantala mula Marso 28 naman ang sa lokal na lebel.

Para sa mga kandidato na may political parties nasa Php 3 kada registered voter lang ang maaaring magastos sa pangangampanya. Samantala ang mga walang political parties ay Php 5 kada registered voter.