Nilinaw ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na ang Commission on Elections (COMELEC) ang siyang magdedeploy sa 1,404 pulis na sinanay para maging Board of Election Inspectors (BEIs) sakaling umatras ang mga guro.
Sa ngayon hindi pa batid ng PNP kung saang mga probinsiya idedeploy ang naturang mga pulis maliban sa mga tinukoy na polling centers sa Mindanao kung saan tiyak na pulis ang magsisilbing BEIs at sa mismong araw ng May 13 midterm elections.
Binigyang-diin naman ni Albayalde na walang bitbit na armas ang mga pulis na BEIs subalit naka-uniporme ang mga ito.
Paalala rin nito sa mga pulis na boboto sa araw ng halalan na huwag dalhin ang kanilang armas sa loob ng presinto.
Maging ang ang mga kandidato ay bawal magbitbit ng kanilang security escort sa loob ng polling precint.
Nasa dalawang pulis ang magbabantay sa bawat presinto habang ang mga sundalo ang siyang magbibigay ng perimeter security.
Sa datos ng PNP, nasa 540 na ang mga lugar na nasa red category, 249 ang nasa orange category, at 154 naman sa yellow category.
Una nang sinabi ni Western Mindanao Command spokesperson Col. Gerry Besana na ang Sulu at Marawi ay 100 percent na pulis ang magsisilbing BEIs.