-- Advertisements --

Tinukoy ng Commission on Audit (COA) ang ilang kuwestyunableng pamamahagi sana ng Department of Agriculture (DA) ng mga fertilizers, livestock, feeds at ilang agricultural products bilang ayuda sa mga magsasaka sa panahon ng pananalasa ng COVID-19.

Ang report ng COA ay bilang bahagi ng pagsasailaim nila sa annual audit noong nakarang taon sa programa ng DA na Expanded Livestock and Poultry Production and Rice Resiliency Projects.

Ayon sa COA nakitaan umano nila ng deficiency ang DA, dahil sa kawalan ng submission ng mga patunay na nakatanggap nga ng mga alagang hayop ang mga farmer benefiaries.

Hinahanapan daw ng ahensiya ang DA ng acknowlegement forms at masterlist sana ng mga magsasaka.

Duda rin naman ang COA sa layunin ng limang mga tanggapan ng DA na siyang namahala sa distribusyon ng mga agricultural products na pinondohan ng P94.729 million.

Inilatag din naman ng COA ang mga patakaran at mga regulasyon na sinunod sana ng DA sa pamamahagi ng mga fertilizer, livestock, feeds at iba pang mga agricultural products.

Partikular namang tinukoy ng COA ang Bureau of Animal Industry (BAI) at Regional Field Offices (RFOs) nito sa Cordillera adminsitrative region, Region IV-A gayundin sa Region 11.

Kaugnay nito, inatasan ng COA ang Department of agriculture na magsumite ng mga documentary requirement tulad ng Acknowledgment Receipt, Property Transfer Report upang patunayan na merong napuntahan ang mga proyekto.