CAUAYAN CITY – Umabot sa 25 sako ng asin ang ginamit ng Tactical Operations Group 2 (TOG2) ng Philippine Airforce (PAF) sa isinagawang kauna-unahang cloud seeding operation sa Isabela ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Col. Augusto Padua, commander ng TOG2 na batay pag-aaral ng Department of Agriculture (DA) Isabela nagkukulang ang tubig-ulan para sa mga pananim kaya hiniling sa PAF ang pagsasagawa ng cloud seeding operation.
Inabot ng isang oras ang paglalagay kahapon ng Nomand 22 ng asin sa mga ulap at muling magsasagawa ng cloud seeding ngayong araw at sa mga susunod na araw.
Inabi pa ni Col. Padua na naglaan ang Philippine Airforce ng 10 oras para sa pagsasagawa ng cloud seeding operation sa Isabela ng Nomand 22 na galing pa sa Mactan, Cebu.
Ayon pa kay Col. Padua, kasama sa trabaho ng PAF ang pagsasagawa ng cloud seeding operation bilang bahagi ng kanilang pagsuporta sa national development mission katuwang ang DA Isabela.