Plano ng grupong Kilusang Makabansang Ekonomiya (MKE) na maglunsad ng isang “People’s Court” o hukumang bayan kasabay ng posibleng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay Jaime Regalario, chairman ng MKE, layunin nito na magkaroon ng masusing pagbabantay ang publiko sa takbo ng ebidensya at katarungan.
Target ng grupo na ganapin ang kanilang sariling pagdinig sa loob mismo ng Senate compound at balak nilang pakiusapan si Senate President Tito Sotto para sa puwesto rito.
Ayon kay Regalario, kukuha sila ng mga kopya ng ebidensya mula sa Senado upang ilatag din sa kanilang forum na lalahukan ng iba’t ibang sektor at mga retiradong mahistrado gaya nina dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Reynato Puno.
Depensa ng grupo, hindi ito isang “kangaroo court” kundi isang lehitimong paraan ng partisipasyon ng mga mamamayan sa paghahanap ng pananagutan.
Anila, magsisilbi itong “balance” sa magiging desisyon ng Senado sakaling hindi ito tumugma sa katotohanang ilalabas ng kanilang sariling pagsusuri.















