“Sana wala nang pasaway na pulis.”

Ito ang Christmas wish ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde para sa PNP.

Ang pahayag ay ginawa ng PNP Chief sa kanyang pangunguna sa tradisyunal na Christmas tree and lantern lighting ceremony sa National Headquarters sa Camp Crame Huwebes ng gabi.

Kasabay nito, ipinaabot din ng PNP Chief ang kanyang maagang pagbati ng maligayang pasko sa buong 192,000 pwersa ng PNP.

Hiling din ng PNP Chief na sana’y magtrabaho bilang isang team ang lahat ng mga pulis at mawala na ang ilang “misguided souls” sa kanilang hanay.

Mangilan-ngilan lang naman aniya itong mga tiwaling pulis na dumudungis sa imahen ng PNP.

Hinimok din ni Albayalde ang mga pulis na Walang-sawang ipagpatuloy ang mga nasimulang reporma sa PNP partikular ang internal cleansing program.

Bilang personal wish, sinabi ni Albayalde na nais sana niyang matapos ng maayos ang kanyang isang taong nalalabi sa serbisyo, at maging mapayapa ang darating na 2019 midterm election.