-- Advertisements --

Makikipagtulungan ang Commission on Human Rights (CHR) sa COMELEC upang isulong ang karapatang pantao sa proseso ng halalan, kasabay ng muling pagpapatupad ng kampanyang Bantay Karapatan sa Halalan (BKH).

Ayon kay CHR Chairperson Richard Palpal-latoc, ang darating na halalan sa Mayo 12 ay dapat maging patunay ng isang malinis, patas, at makatarungang demokratikong proseso.

Nilalayon ng BKH na mapalawak ang partisipasyon ng mga mamamayan sa pagboto, lalo na ang mga may kapansanan, nakatatanda, katutubong mamamayan, at mga nasa piitan.

Samantala, muling nilagdaan ng CHR at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kasunduan upang patatagin ang pagpapalaganap ng kaalaman sa karapatang pantao sa hanay ng militar.

Pinaigting din ng CHR at AFP ang transparency sa pamamagitan ng Data-Sharing Agreement, na layong mapabilis ang digital na pagproseso ng CHR clearances at palakasin ang ugnayan sa pagtugon sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.