-- Advertisements --
koronadal

KORONADAL CITY – Desididong magsampa ng kaso ang isa sa mga biktima ng umano’y torture sa kasagsagan ng ipinapatupad na enhanced community quarantine sa bahagi ng Brgy. San Jose sa lungsod ng Koronadal.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay alyas “Noel” residente ng Brgy. Rotunda, nagsimula umano ang lahat nang pinuntahan sila ng barangay kapitan kasama ang kaniyang mga BPATs at nagpaliwanag makaligad makatanggap ang mga opisyal ng reklamo na masyado silang maingay noong gabi ng Abril 15.

Matapos nito ay dinala sila sa checkpoint at sinusuntok sila ng mga BPATs habang papunta doon.

Dinala naman sila sa madilim na bahagi ng paaralan at doon sila pinaghubad ng damit, pinagsusuntok, binabasa ng tubig, pinapalo, at sinasampal.

Dagdag pa ni Noel, pinakain pa sila ng siling labuyo at sinasabunotan ang kanilang buhok.

Bumalik naman sila sa checkpoint at pilit na pinapasuot ang basa nilang mga damit at pinainom pa ng kape na walang halong asukal bago pinauwi.

Mariiin namang kinondena ng Commission on Human Rights Region 12 (CHR-12) ang nasabing insidente at iginiit na magsasagawa sila ng malalimang imbestigasyon.