-- Advertisements --

Walang sapat na batayan ang mga alegasyon kaugnay sa umano’y planong paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Tugon ito ng Malacañang sa pahayag ni Caloocan Rep. Edgar Erice na may ilang kongresista ang maghahain ng impeachment complaint laban sa Pangulo sa pagbabalik-sesyon ng Kamara.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, nakita at narinig na ng Palasyo ang naturang pahayag ng mambabatas at sa ngayon hindi pa ito napapatunayan.

Nabatid na nagmumula umano ito sa mga tagasuporta ng isang tiyak na politiko.

Sa ngayon, nananatiling nakatuon ang Pangulo sa pamumuno at sa paghahatid ng mga magagandang serbisyo para sa sambayanang Pilipino. 

Iginagalang din ni Pangulong Marcos ang mga umiiral na proseso sa ilalim ng Konstitusyon.

Binigyang-diin ni Castro na naniniwala ang Pangulo ang anumang hakbang na gagawin ng mga miyembro ng Kongreso ay dapat nakabatay sa katotohanan, sa batas, at sa pambansang interes.

Nilinaw rin ng Malacañang na hindi ito magbibigay ng espekulasyon kaugnay ng mga tsismis o sinasabing maniobrang pulitikal.

Ibinunyag ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice na posibleng sampahan ng impeachment complaint si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Erice may mga impormasyon siyang nakuha na may ilang mga Kongresista ang magsasampa ng impeachment complaint sa Pangulo sa Pebrero sa susunod na buwan sa pagbabalik ng sesyon ng Kamara.

Inihayag ni Erice na hindi lamang si Vice President Sara Duterte ang posibleng sampahan ng impeachment complaint lalo at sa darating na Pebrero 6,2026 mag expire ang one year bar rule.

Tumanggi naman si Erice pangalanan sino itong mga kongresista na maghahain ng impeachment complaint laban kay PBBM.

Hindi naman masabi ni Erice na makakakuha ng sapat na bilang mula sa Kongreso ang ihahaing impeachment complaint laban sa Pangulo.

Nilinaw naman ni Erice na hindi niya iendorso ang anumang impeachment complaint.