-- Advertisements --

CEBU CITY – Nagmungkahi ang isang political analyst na mas mainam na deklarang persona non grata ang Chinese Ambassador sa Pilipinas na si Huang Xilian dahil sa pambabastos umano sa teritoryo ng bansa.

Ito ay alinsunod sa naging matapang na pahayag nito hinggil sa paglusob ng mga Chinese vessel sa Julian Felipe Reef na sakop ng 200-nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Prof. Clarita Carlos ng University of the Philippines-Diliman, tahasan nitong sinabi na walang karapatan ang China na manghimasok sa soberanya ng bansa.

May malaking bentahe, aniya, ang Pilipinas sa West Philippine Sea dahil sagana ito sa petrolyo, mga isda, at ibang buhay sa ilalim ng dagat.

Bukod rito, sinabi rin ni Carlos na panahon na upang pabalikin sa Pilipinas ang Ambassador nito sa Beijing na si Chito Sta. Romana dahil sa ginawa umano ng nasabing bansa.

Hinamon naman ng political analyst na kailangang sumunod ang China sa mga pinaiiral na international laws kagaya ng UNCLOS upang maging kabahagi ito ng international community.