Pinaghahanda na ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka at mga mangingisda sa magiging epekto ng paparating na bagyo na nakatakdang tawaging bagyong Uwan.
Inabisuhan ng DA – Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga magsasaka na anihin na ang mga pananim na maaaring anihin bago pa man magsimulang maranasan ang epekto ng bagyo.
Pinapalikas din ng DA ang mga reserbang binhi, mga materyales sa pagtatanim, at iba pang gamit-pansaka, sa mas ligtas na lugar na hindi maabot ng tubig-baha. Kasama rito ang mga alagang hayop, pagkain, at mga gamot.
Pinapalinis din ng ahensiya ang mga irrigation canal upang maiwasan ang mga pagbaha at mapablis ang pagdaloy ng tubig.
Sa mga mangingisda, ipinag-utos ng DA ang pagdadala sa mga bankang pangisda sa mas ligtas na lugar.
Ipinapayo rin sa mga ito ang pagsasagawa ng early-harvest sa mga alagang isda at iba pang aquaculture products, lalo na kung madalas bahain ang mga naturang lugar.
Giit ng ahensiya, patuloy itong nakabantay sa sitwasyon ng mga sakahan, kasama ang pag-preposisyon ng agricultural inputs para sa mga magsasakang maaaring maapektuhan sa paparating na bagyo.
















