Nanindigan ang China na hindi nito sinusuportahan ang lahat ng uri ng cyberattacks sa gitna ng akusasyon na ito ang nasa likod ng ilang serye ng hacking incidents sa mga website ng gobyerno ng Pilipinas at Estados Unidos.
Giit ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin na isang pangunahing biktima ng cyberattack ang China at sinabing kanilang tutugunan ito sa isang legal na paraan.
Muling iginiit din nito na hindi hinihikayat, sinusuportahan o papalampasin ng China ang mga pag-atake ng mga hacker.
Matatandaan, nitong weekend, iniulat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nagawang mapigilan ng cybersecurity experts ang pagtatangka ng mga hacker na nakabase sa China na i-hack ang websites ng gobyerno at email addresses subalit hindi aniya masabi sa ngayon kung may direktang kinalaman dito ang gobyerno ng China.
Samantala, noong nakalipas ding linggo, sinabi ng US Department of Justice na napigilan nitong ma-hijack ng hackers na sponsored umano mismo ng People’s Republic of China na mapasok ang small office/home office router na nakabase sa US.
Subalit ayon kay Wang, ang walang katotohanang akusasyon na ito ay nakakasira lamang umano sa kolektibong pagtugon sa mga bantang kinakaharap ng ating mundo.
Tinawa din ng China ang US na siyang pinanggagalingan umano ng mga banta sa cyberspace.