-- Advertisements --

Tinupad nga ng China ang babala nito na “US will pay the price” dahil sa ginawang pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan makalipas ang 25 taon.

Inihayag ng Eastern Theater Command ng Chinese military na nagsagawa ang bansa ng long-range, live-fire na pagsasanay sa Taiwan Strait.

Nagpaputok ng “maramihang” ballistic missiles sa tubig sa paligid ng Taiwan sa isinagawang military drills ang pwersa ng China.

Kinondena ng Taipei defense ministry ang nasabing hakbang at inilarawan nitong “hindi makatwiran na mga aksyon na sumisira sa kapayapaan sa rehiyon”.

Ginamit ng Chinese forces ang Dongfeng series ballistic missiles.

Ang Dongfeng, na karaniwang tinawag bilang “DF missiles”, ay isang pamilya ng mga short, medium, intermediate-range at intercontinental ballistic missiles na pinatatakbo ng Chinese People’s Liberation Army Rocket Force (dating Second Artillery Corps).

Hindi pa kinumpirma ng militar ng Taiwan ang eksaktong lokasyon kung saan dumaong ang mga missile o kung lumipad sila sa isla.

Kinumpirma rin ng People’s Liberation Army ng China na may mga missile na pinaputok.

Ang military posturing aniya ay isang pagpapakita ng puwersa matapos umalis si Pelosi sa isla noong Miyerkules ng gabi, patungo sa South Korea.

Nauna ng sinabi ng Chinese state media na ang mga pagsasanay ay upang gayahin ang isang air and sea “blockade” sa paligid ng Taiwan na nagsimula noong Miyerkules.

Napag-alaman na sa loob ng ilang oras ng pag-alis ni Pelosi, sinabi ng Taiwanese Defense Ministry na nagpadala ang China ng higit sa 20 fighter jet sa median line sa Taiwan Strait, ang midway point sa pagitan ng mainland at Taiwan na sinasabi ng Beijing na hindi nito kinikilala ngunit karaniwang iginagalang.

Nauna na ring sinabi ng Defense Ministry ng Taiwan na ang kanilang militar ay nananatili sa isang “normal” ngunit maingat na postura.

Tinawag naman nito na “hindi makatwirang aksyon” ang isinagawang live-fire drills ng China na nagtangkang “baguhin ang status quo.”

Aniya, mahigpit nilang sinusubaybayan ang mga aktibidad ng kaaway sa paligid ng dagat ng Taiwan at ng mga nasa labas na isla, at tiniyak nito na kikilos sila kung kinakailangan.