-- Advertisements --

Itinanggi ni Mayor Benjamin Magalong na nagbitiw siya sa pwesto bilang alkalde ng Baguio City para magsilbi sa independent commission na mag-iimbestiga sa umano’y korapsiyon sa infrastructure projects ng pamahalaan sa nakalipas na 10 taon.

Ginawa ng alkalde ang naturang paglilinaw sa kaniyang online account kasunod ng napaulat umanong pagbibitiw niya sa pwesto.

Aniya, walang katotohanan ang kumakalat na claims na bumaba siya sa pwesto at iginiit na hindi siya nag-resign. Nananatili din aniya siyang fully committed sa pagsisilbi sa kanilang lungsod.

“False claims are circulating that I have resigned as Mayor of Baguio. I have not resigned. I remain your duly elected Mayor, fully committed to serving our city”, saad ng alkalde sa kaniyang facebook post.

Matatandaan nauna ng pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Magalong bilang special adviser at investigator para sa binuong independent commission.

Nanindigan naman si Mayor Magalong na hindi makakaapekto sa kaniyang mandato bilang alkalde ang kaniyang papel sa naturang komisyon at mananatiling prayoridad niya ang mamamayan ng Baguio.

“While I have been appointed as Special Adviser and Investigator for the Independent Commission for Infrastructure to help look into alleged anomalies in flood control projects, this will not affect my mandate as Mayor. My foremost duty and priority remain with the people of Baguio”.