-- Advertisements --

Nagbanta ang China na hindi ito mag-aatubiling magsimula ng digmaan sa Taiwan sakaling magdeklara ito ng independensiya.

Ginawa ni Chinese defense minister Wei Fenghe ang naturang babala sa kaniyang unang pakikipagpunog ng personal kay US Defense Secretary Lloyd Austin sa isinagawang Shangri-La Dialogue security summit sa Singapore.

Babala ng Chinese official na sinumang mangangahas na ihiwalay ang Taiwan mula sa China, hindi madadalawang isip aniya ang Chinese army na maglunsad ng digmaan gaano man kalaki ang magiging kapalit na pinsala.

Nangako ang Chinese minister na kanilang wawakasan ang anumang pagtatangka ng independence plot sa Taiwan at itataguyod ang pagkakaisa ng kanilang bansa.

Iginiit nito na ang Taiwan ay bahagi ng China at ang paggamit ng Taiwan para makontrol ang China ay hindi kailanman magtatagumpay.

Nanindigan naman si Austin na sa kahalagahan ng kapayapaan at stability sa Taiwan Strait, paglaban sa mga unilateral changes sa status quo at pag-apela sa China na ihinto na ang destabilising actions nito sa Taiwan.