Nasungkit ni Chezka Centeno ang silver medal sa women’s 10-ball event ng 2025 World Games sa Chengdu, China, matapos matalo sa dikit na laban kontra kay Yu Han ng China, 6-7.
Bumawi si Centeno mula sa 0-3 na umpisa at muntik nang kunin ang gintong medalya, ngunit dahil sa pagkakamali —isang scratch sa safety play ang nagbigay ng pagkakataon kay Han na dominahin ang huling rack.
Bagamat talo, masaya pa rin si Centeno sa kanyang naging laban.
Ito na ang ikalawang silver medal ng Team Philippines sa World Games, kasunod ng kay Kaila Napolis (ju-jitsu, women’s 52kg), habang si Carlos Baylon Jr. ay nakakuha naman ng bronze sa wushu sanda 56kg class.
Sa kanyang paglalakbay patungong finals, tinalo ni Centeno sina Mayte Ropero ng Spain sa quarterfinals at Shasha Lui ng China sa semis.
Habang sa preliminaries, pinataob niya si Savannah Easton ng Eastados Unidos bago unang natalo kay Yu Han.