Pinalakas pa ng PNP region 3 ang kanilang checkpoint operations sa mga boundaries patungo at palabas ng NCR Plus Bubble ngayong pinalawig ng isang linggo ang enhanced community quarantine sa mga nasabing lugar.
Ayon kay PNP PRO-3 regional police director BGen Val Deleon, kahit hindi kasama ang kaniyang area sa ECQ, kanilang sisiguraduhin na walang makakalabas at makakapasok na mga indibidwal.
Sinabi ni De Leon mga essential delivery at mga authorized persons outside residence (APOR) lamang ang kanilang pinalalagpas sa mga checkpoints.
Aniya, mahigpit ang direktiba ni PNP Chief Gen. Debold Sinas sa kanila na mga regional police directors ng PRO-3, PRO-4A Calabarzon at NCRPO na tiyakin na nasusunod ang IATF guidelines sa implementasyon ng ECQ.
Pinuri ni Sinas ang effort ng mga pulis mula sa tatlong rehiyon.
Sa kabila ng pagtutok ng PNP sa pagpapatupad ng ECQ, tuloy pa rin ang kanilang law enforcement operations lalo na ang kampanya laban sa iligal na droga.
Samantala, dahil sa pinalawag na ECQ sa NCR Plus Bubble, nag-alok ng libreng sakay ang pamunuan ng NCRPO para sa mga essential workers na lubhang naapektuhan ng lockdown.
Ayon kay NCRPO chief MGen. Vicente Danao, kanilang minobilize ang mga patrol cars at trucks na siyang ginagamit sa pagbibigay ng libreng sakay sa loob ng Metro Manila.
Maximum deployment naman sa mga police personnel sa mga kalye at boundaries.
Ang libreng sakay ng NCRPO ay magpapatuloy hanggang sa huling araw ng ECQ.
Pinasisiguro din ni Danao na striktong inoobserbahan ang minimum health and safety protocols lalo na ang social distancing, pagsuot ng face mask at face shield.