-- Advertisements --

Sinampahan ngayong araw, ika-20 ng Oktubre si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson ng ilang mga reklamo kaugnay sa isyu ng korapsyon ukol sa lugar nitong minsa’y pinamunuan.

Personal na inihain ng abogadong si Atty. Estelita D. Cordero, lider ng grupong Warriors Ti Narvacan, ang reklamong plunder sa Office of the Ombudsman laban sa dating akalde kasama pati Vice Mayor nitong si Pablito Sanidad Sr. at iba.

Batay sa reklamo, alegasyon nila na nagkaroon umano ng sabwatan sa bentahan o pagbili ng Munisipalidad ng Narvacan sa isang lote sa kanilang lugar.

Naniniwala ang grupo na ang mga sinampahan ng reklamo ay nagkaroon ng kuntsabahan sa pagbili ng nasa 99,000 square meters na lupain sa halagang higit P140-million na kung ikukumpara sa zonal value ay nasa 49-milyon Piso lamang raw.

Bunsod nito’y nanindigan silang ito ay paglabag sa Republic Act No. 7080 ng Plunder Law dahil nabili ng overpriced at kulang-kulang 100-milyon piso ill-gotten wealth naman kung maituturing.

Bukod pa rito, kasabay din inihain ng complainant na si Atty. Estelita D. Cordero ang reklamong paglabag naman sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act o ang Republic Act No. 3019 laban pa rin kay fomer Narvacan Mayor Chavit Singson.

Alegasyon nila sa graft complaint ang ilegal na pag-okupa at pagsasapribado sa isang bahagi ng baybayin sa Sulvec, Narvacan, Ilocos Sur na kalaunan ay nakilala bilang ‘Santorini’.

Dito naman nila iginiit na wala umanong permit ang pagpapagawa sa naturang resort at bigong makakuha ng environmental clearance.

Kung kaya’t hiling sa inihaing reklamo ang pagpapawalang bisa sa naganap na ilegal na bentahan pati ang demolisyon sa naturang istraktura.

Kalakip din sa kahilingan nakapaloob sa reklamong inihain maging ang pagsasagawa ng lifestyle check para sa dating opisyal ng Narvacan.