-- Advertisements --

Mahigit tatlong dekada na umanong tinututulan ng Senado ang pag-amyenda sa 1987 Constitution o mula pa noong 8th Congress, ayon kay Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez.

Ayon kay Rodriguez ang pagtutol sa constitutional amendment ng Senado ang dahilan kung bakit gumawa ng hakbang ang mga people organization at inilungsad ang people’s initiative bilang paraan ng pag-amyenda sa Konstitusyon.

Ipinunto ni Rodriguez na hindi inaaksyunan ng Senado maging ang resolusyon para maamyendahan ang economic provision ng Konstitusyon.

Ayon kay Rodriguez umaabot na sa 358 panukala kaugnay ng pag-amyenda sa Konstitusyon ang naihain sa Kamara mula noong 8th Congress hanggang ngayong 19th Congress.

Sa bilang na ito 83 panukala ang nagsusulong ng constituent assembly (con-ass), 105 ang para sa constitutional convention (con-con) at 98 para sa pag-amyenda ng hindi nagsasama ang Senado at Kamara.

Ilang congress na ang naghain ng mga resolusyon para amyendahan ang saligang batas, subalit walang tugon dito ang senado.

Nuong 18th Congress, inaprubahan ng Kamara ang RBH no.2 na muling nagpapanukala sa pagbabago sa economic provisions sa Article XII, XIV at XVI.

Ngayong 19th Congress, ipinasa ng Kamara ang RBH No. 6 na nagpapatawag ng con-con upang amyendahan ang Konstitusyon at ang implementing law nito na House Bill 7352. Isinumite ito sa Senado noong Marso 7, 2023.

Ayon kay Rodriguez hanggang ngayon ay hindi pa rin umuusad sa Senado ang RBH 6.

Sa loob ng mahigit tatlong dekada, sinabi ni Rodriguez na sa dalawang pagkakataon lamang gumalaw ang panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon. Noong 12th at 14th Congress.

Noong 12th Congress, inirekomenda umano ng komite ng Senado na pinamumunuan ni dating Sen. Edgardo Angara ang con-con mode subalit hindi ito naaprubahan ng Senado.

Noong 14th Congress inaprubahan naman ng Senado ang Resolution No. 811 na nagsasabi na kung aaprubahan ng Kamara ang panukalang pag-amyenda na walang three-fourth vote ng Senado ay unconstitutional.