BACOLOD CITY – Matapos ang mahigit kalahating araw na tensyon sa Ceres south terminal sa Lungsod ng Bacolod kahapon, nilisan na ng elected president ng Yanson Group of Bus Companies at ng isa pang nitong kapatid ang lugar.
Bandang alas-5:30 kahapon ng hapon nang umalis sa terminal si Roy Yanson at kapatid na si Ma. Celina Yanson Lopez matapos ang halos buong araw na tensyon at suspensyon ng biyahe ng units patungong southern Negros Occidental at ilang parte ng Negros Oriental.
Kung maaalala, buong araw na hindi rin pinapasok ng Bacolod City Police Office ang pagkain sa loob ng terminal kung saan namalagi ang nakatatandang mga kapatid ng ousted president na si Leo Rey (LR).
Kasabay ng paglisan sa terminal ng dalawa, pinasok na rin ito ng kampo ni LR Yanson at kinumpirma ng kanilang media relations officer na si Jade Seballos na simula alas-12:00 kaninang hatinggabi ay balik na ang kanilang biyahe.
May kasabay pa itong magandang balita para sa mga commuters dahil hanggang alas-12:00 ng tanghali ngayong araw, ay 100 porsiyento na libre ang pamasahe.
Habang hanggang alas-12:00 bukas ng hatinggabi, 50 porsiyento naman ang discount sa pamasahe.
Ayon kay Seballos, paraan ito ni LRY at ng Yanson matriarch na si Olivia upang makabawi sa mga pasahero na naapektuhan ng buong araw na trip suspension kahapon kasabay ng paghingi ng paumanhin.