-- Advertisements --

Hindi ihihinto ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa umano’y korapsyon sa mga flood control projects kahit nagsimula na ang pagsisiyasat ng Independent Commission for Infrastructures na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Senate President Tito Sotto III, maaaring huminto ang Kamara, ngunit itutuloy ng Senado ang pagdinig bilang bahagi ng tungkulin nito in aid of legislation.

Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson, chairman ng Blue Ribbon Committee, na magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senado.

 Tiniyak niya na hindi magbabanggaan ang Senado at ang Komisyon, kundi magtutulungan.

Ipinaliwanag ng senador na ang layunin ng pagsisiyasat ng komite ay makatulong sa paggawa ng mga batas. 

Maaari rin nitong ibahagi sa Komisyon ang mga makakalap na ebidensya, habang hihilingin naman ng Senado ang anumang rekord mula sa Komisyon na magagamit sa lehislasyon.

Samantala, ayon pa kay Lacson, gagawin nitong gabay ang “blindfold mentality” sa kanyang pamumuno sa Blue ribbon hinggil sa korapsyon sa mga kuwestiyonableng flood control projects.